ASF sa Pilipinas: Ano Ito at Tips kung Paano Maiiwasan

Ang African Swine Fever (ASF) ay isa sa mga pinakamalaking hamon na kinakaharap ng industriya ng baboy sa Pilipinas. Mabilis kumalat ang sakit na ito at walang lunas, na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga magbababoy. Unang naitala ang ASF sa Pilipinas noong July 25, 2019 sa Rizal Province. Ang mga baboy na ASF-infected ay nakararanas ng lagnat, depresyon, kawalan ng gana kumain, mapupulang tenga, tiyan at binti, pagsusuka at pagdudumi na kadalasang nagiging dahilan ng pagkamatay. Bagamat hindi ito nakakahawa sa tao, ang epekto ng ASF sa kabuhayan at suplay ng karne ng baboy ay ramdam ng bawat Pilipino. Kaya mahalaga na alam natin kung paano maiwasan ang pagkalat nito para protektahan ang ating kabuhayan at kalusugan.

Upang makatulong na maiwasan ang ASF, narito ang ilang tips na maaaring gawin ng mga magbababoy at mamimili. Sundin ang mga hakbang na ito upang maprotektahan ang inyong kabuhayan at makatulong na labanan ang pagkalat ng ASF sa bansa!

1. Iwasan ang Pagpapakain ng Kaning Baboy (Swill Feeding)

Iwasan ang pagpapakain ng kaning baboy o swill feeding dahil maaaring kontaminado ito ng ASF virus at iba pang sakit na nakakasama sa kalusugan ng baboy. Ang mga tira-tirang pagkain, lalo na ang may karneng baboy, ay posibleng magdala ng virus na mabilis kumalat. Sa halip, gumamit ng ligtas at de-kalidad na commercial feeds na nagbibigay ng tamang nutrisyon at mas pinoprotektahan ang kalusugan ng inyong alagang baboy.

2. Magdisinfect ng mga kagamitan at ugaliin ang Paglilinis ng loob at ng kapaligiran ng inyong Babuyan

Mag-disinfect ng mga kagamitan sa inyong babuyan tulad ng feeding trays, water containers, at iba pang gamit na madalas hawakan o gamitin ng inyong mga baboy. Siguraduhing regular na nililinis at nadidisinfect ang mga ito gamit ang mga recommended na disinfectants na kayang pumatay ng ASF virus.

Bukod dito, ugaliin din ang paglilinis at pagdidisinfect ng buong loob ng inyong babuyan—kasama ang sahig, pader, at iba pang bahagi ng kulungan. Linisin din ang paligid ng farm upang maiwasan ang pagkalat ng sakit mula sa mga ipis, daga, at iba pang peste na maaaring magdala ng virus.

3. Iwasan ang Pagpasok ng Viajero o hindi Awtorisadong Tao

Limitahan ang mga bisita sa babuyan. Ang mga viajero, trader, o sinumang hindi awtorisadong tao ay maaaring magdala ng ASF virus sa pamamagitan ng kanilang sapatos, damit, o gamit na nahawaan mula sa ibang babuyan. Dahil dito, mahalaga na limitahan at kontrolin ang pagpasok ng mga tao sa iyong lugar ng operasyon.

4.Siguraduhin na ang kukuning palahian o biik ay malusog at walang sakit.

Siguraduhing ang mga bibilhing palahian o biik ay mula sa mapagkakatiwalaang breeders na sumusunod sa mataas na biosecurity standards at regular na nagpapa-check ng kalusugan ng kanilang mga alaga. Bago dalhin ang mga bagong biik sa iyong babuyan, i-quarantine muna sila sa loob ng 2-4 na linggo upang obserbahan kung may mga sintomas ng sakit tulad ng lagnat, panghihina, o pamumula ng balat. Ang quarantine period na ito ay nagbibigay ng sapat na oras para ma-detect ang anumang posibleng sakit bago ito makahawa sa ibang baboy. Maglaan din ng hiwalay na gamit at kagamitan para sa mga naka-quarantine na baboy upang maiwasan ang posibleng kontaminasyon. Sa ganitong paraan, masisiguro mong malusog ang mga bagong pasok at mapoprotektahan ang buong kawan mula sa ASF at iba pang sakit.

5. Kung ang mga alagang baboy ay may sintomas o namatay, agad ipagbigay alam sa Municipal Agricultural Office, City/Provincial Veterinary Office o sa ASF Task Force ng inyong lugar.

Kapag napansin na may sakit o namatay na baboy, agad ipagbigay-alam sa Municipal Agricultural Office, City/Provincial Veterinary Office, o ASF Task Force upang matulungan kang matukoy ang sanhi at maagapan ang pagkalat ng sakit. Ang mabilis na pag-report ay mahalaga upang mabigyan ng tamang aksyon ang iyong babuyan, tulad ng pagsusuri, quarantine, at pagsugpo ng sakit. Ito rin ay makakatulong na maiwasan ang pagkalat ng ASF sa ibang lugar at maprotektahan ang kalusugan ng iba pang baboy sa komunidad.

Ang ASF ay patuloy na banta sa industriya ng baboy sa Pilipinas, ngunit sa tamang kaalaman at pagsunod sa preventive measures, maaari itong mapigilan. Ang simpleng hakbang tulad ng tamang pagpapakain, regular na pagdidisinfect ng babuyan, at pag-report ng anumang kaso ng sakit ay malaking tulong upang mapanatiling ligtas ang ating mga alagang baboy. Bilang magbababoy o mamimili, tayo ay may mahalagang papel sa pagpigil sa pagkalat ng ASF. Sama-sama nating protektahan ang ating kabuhayan at tiyakin na ligtas ang suplay ng karne ng baboy sa bansa!

EXCEL-lent sa BIGAT, EXCEL-lent sa KITA!